Linggo, Disyembre 31, 2023

Pag nag-1-2-3 ang nagpaputok ng baril

PAG NAG-1-2-3 ANG NAGPAPUTOK NG BARIL

madalas ay di nakikilala kung sino
ang minulan ng ligaw na balang kumitil
sa buhay ng bata o tinamaan nito
walang makapagturo kung sino ang dahil
o kaya'y nagwa-wantutri o tumatakbo
yaong suspek sa pagpapaputok ng baril

dapat maging alerto ngayong Bagong Taon
baka may matamaan ng ligaw na bala
dapat managot ang may kagagawan niyon
lalo kung may nabiktima, may nadisgrasya
paano kaya kung sa anak mo bumaon
ang balang ligaw, tiyak sigaw mo'y hustisya!

pag nagwantutri ang nagpaputok ng baril
paano pa kaya tiyak siyang madakip
bago pa mangyari, dapat siyang mapigil
upang ating mga anak ay di mahagip

- gregoriovbituinjr.
12.31.23

Mag-ingat sa Paputok na Goodbye Daliri

MAG-INGAT SA PAPUTOK NA GOODBYE DALIRI

ah, mag-ingat sa paputok na samutsari
baka matamaan at biglang mapalungi
may Sinturon ni Hudas, Bin Laden, Kabasi,
may Bawang, Goodbye Philippines, Goodbye Daliri

bata pa ako'y kayrami nang naputukan
ng labintador na anong lalakas naman
kayrami ngang isinugod sa pagamutan
pati ligaw na bala ay may natamaan

panoorin ang balita sa telebisyon
kasiyahang nauwi sa disgrasya'y komon
mga naputuka'y tila bata-batalyon
ganyan madalas ang ulat pag Bagong Taon

naroo't tangan ng kanyang Lola ang kamay
ng apo na nagmistulang bawang at gulay
naputukan ng Super Lolo, ay, kaylumbay
kinabukasan niya'y nasayang na tunay

di man iyon tinawag na Goodbye Daliri
mapapaisip ka kapag gayon ang sanhi
kapitalista lang ang tumubo't nagwagi
di nila sagot ang nawalan ng daliri

- gregoriovbituinjr.
12.31.23

* litrato mula sa google

12.31.23 (Sa huling araw ng taon)

SA HULING ARAW NG TAON

pinagmasdan ko ang kalangitan
maulap, nagbabanta ang ulan
bagamat umaaraw pa naman
butas na bubungan na'y tapalan

bagamat kaunti lang ang handa
mahalaga tayo'y mapayapa
ramdam ang saya sa puso't diwa
kahit walang yaman at dalita

mamayang gabi'y magpapaputok
uulan ng sangkaterbang usok
na talagang nakasusulasok
habang Bagong Taon na'y kakatok

mag-ingay lang tayo't magtorotot
magbigayan, walang pag-iimbot
pawang saya sana ang idulot
ng Bagong Taon, hindi hilakbot

wala sanang salbaheng bibira
iputok ang baril na kinasa
wala na sanang ligaw na bala
na magliliparan sa kalsada

- gregoriovbituinjr.
12.31.23

12.31.23 (Sa Bisperas ng Bagong Taon)

12.31.23
SA BISPERAS NG BAGONG TAON

nais kong magbilin sa bisperas ng Bagong Taon
huwag magpaputok ng baril, pakinggan mo iyon
ah, kayrami nang batang nakitil ang buhay noon
hustisya ang sigaw sa alaala ng kahapon

halina't Bagong Taon ay salubunging masaya
na walang batang natamaan ng ligaw na bala
magkita, kumustahan, buhay ay bigyang halaga
buting huwag magpaputok kaysa makadisgrasya

ayon sa tradisyon, dapat yanigin ng paputok
ang Bagong Taon sa kanyang pagdatal at pagpasok
upang kamalasan daw ay palayasin sa usok
subalit kayrami nang nadisgrasya't nangalugmok

ilan na bang bata ang naputulan ng daliri
dahil lamang nagpaputok, labintador ang sanhi
ligaw na bala pa'y nakapatay, nakamumuhi
paano ba wawakasan kung tradisyon na'y mali?

- gregoriovbituinjr.
12.31.23

Huwebes, Disyembre 28, 2023

Nagdoble ang nabiling aklat

NAGDOBLE ANG NABILING AKLAT
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa katuwaan ko marahil na mabili ang aklat ay hindi ko napagtantong mayroon na akong gayong aklat na matagal ko na palang nabili. Tulad na lang nang mabili ko ang aklat na 20,000 Leagues Under The Sea ni Jules Verne.

Nais kong kumpletuhin ang mga aklat ni Jules Verne na nasa aking aklatan. Akala ko'y may pang-apat na akong aklat ni Jules Verne nang mabili ko ang 20,000 Leagues. Mayroon na kasi akong Journey to the Center of the Earth na nabili ko sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Enero 9, 2023 sa halagang P179.00, na nilathala ng Collins Classics, at ang Around the World in Eighty Days, na nabili ko sa Book Sale sa SM Fairview noong Marso 9, 2023 sa halagang P125.00, na nilathala naman ng Great Reads.

Pangatlo kong nabili ang 20,000 Leagues Under the Sea sa Fully Booked sa SM Fairview noong Mayo 7, 2023 sa halagang P179.00, na nilathala ng Collins Classic. Pang-apat ay nabili ko nga uli ang 20,000 Leagues Under the Sea, sa Fully Booked, Gateway, Cubao noong Nobyembre 14, 2023, sa mas murang halagang P125.00.

Pati magasing Liwayway na isyu ng Agosto 2023 ay nagdoble rin. Akala ko kasi wala pa akong isyung Agosto kaya nang magtungo ako sa National Book Store ay bumili na ako nito. Wala pa ring palya ang mga isyu ko ng Liwayway, at nakumpleto ko ang 12 isyu nito mula Enero hanggang Disyembre 2023. Kaya naman ako bumibili ng Liwayway ay upang ipakita ang aking taospusong suporta sa panitikang Pilipino. 

Grabe! Nagdodoble-doble ang bili ko ng libro. Kaya nang dumating ang pamangkin ko, ibinigay ko sa kanya ang isang isyu ng 20,000 Leagues at magasing Liwayway na isyu ng Agosto 2023 bilang pamaskong handog.

Bakit nagdodoble-doble ang bili? Marahil sa pag-aakalang wala pa akong gayong aklat. Marahil ay binili ko lang at hindi agad binasa, at basta na lang inilagay sa munti kong aklatan.

Mayroon na akong tatlong aklat ni Sir Arthur Conan Doyle hinggil kay Sherlock Holmes, dalawang aklat ng kwento at tula ni Edgar Allan Poe, at apat na aklat ng nobela ni George Orwell, ang Homage to Catalonia, ang Down and Out in Paris and London, ang 1984, at ang Animal Farm. Ang mga aklat na iyan ay pawang nilathala ng Collins Classics.

Madalas kong tambayan ay ang Book Sale (kung saan narito ang mga rare find na libro), Fully Booked (kung saan maraming klasikong aklat-pampanitikan), at minsan ay National Book Store (kung saan ko nabibili ang mga history books na nasa akin, at iba pang poetry books). Bukod pa sa UP Press Book Store.

Kaya dapat malay ako sa kung anong aklat ang aking bibilhin upang hindi magdoble. Paano? Basahin ko na ang kahit unang kabanata ng aklat kong nabili upang matandaan ko na mayroon na pala ako ng librong iyon sa aking aklatan. Marahil nga, iyon ang dapat kong gawin.

Martes, Disyembre 26, 2023

Ang nasa kaliwa at kanan sa litrato ni Ambeth Ocampo

ANG NASA KALIWA AT KANAN SA LITRATO NI AMBETH OCAMPO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaninong punto de bista ang susundin upang mabatid ang kung sino ang nasa kaliwa at nasa kanan ng litrato? Ang sa mambabasa ba, o ang nasa kaliwa at kanan ng awtor na nasa gitna ng litrato?

Nabili ko nitong Disyembre 24, 2023 ang aklat na Two Lunas, Two Mabinis, Looking Back 10 ng historian na si Ambeth Ocampo, sa halagang may 10% discount sa National Book Store, kaya mula P150 ay P135 na lang, may 100 pahina.

Sa pahina 11 ay naintriga ako sa litrato kung sino si Teodoro Agoncillo sa dalawa, ang nakatayo sa kanyang kaliwa, o ang nakaupo sa kanyang kanan. Nakasulat kasi sa ibaba nito ay: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (left) and Teodoro A. Agoncillo (right)."

Hindi ba't dapat ay sa punto de bista ng mambabasa, at hindi batay sa litrato kung sino ang nasa kanan o kaliwa ni Ocampo?

Hindi ko kilala si Cruz habang kilalang historian si Agoncillo. Nakilala ko lang si Cruz dahil nakita ko sa librong iyon sa listahan ng mga nalathalang libro ni Ocampo ang pamagat na "The Paintings of E. Aguilar Cruz (1986); E. Aguilar Cruz, The Writer as Painter (2018), na marahil ay bibilhin ko rin at babasahin pag nakita ko. Si Cruz pala ay pintor at manunulat. Gayunman, mas hinanap ko sa litrato kung alin sa dalawa si Agoncillo.

Kung hindi mo kilala ang mukha ng dalawang ito, at hindi mo titingnan sa google ang mukha nina Cruz at Agoncillo, paano mo ito malalaman bilang mambabasa kung sino ang sino sa pamamagitan lang ng pagbasa sa nakasulat sa ibaba ng litrato?

Nasa gitna ng litrato si Ambeth Ocampo. Nasa kanan niya ba ay si Agoncillo, o batay sa punto de bista ng mambabasa, nasa kaliwa si Agoncillo. Sino ang sino? Alin ang alin?

Upang matapos na ang usapan, hinanap ko sa google ang litrato ni Agoncillo, upang mabatid kung siya ba ang nasa kanan o nasa kaliwa ni Ocampo. Paano kung walang google? Hindi mo agad mahahanap.

Sa google, agad kong nakita na si Teodoro Agoncillo ang nakatayo. Sa litrato, nasa left siya ni Ocampo kahit sinulat nitong si Agoncillo ang nasa right. Nasa right ni Ocampo si Cruz kahit sinulat nitong si Cruz ang nasa left. Sa madaling salita, isinaalang-alang ni Ambeth ang kanan at kaliwa ng mambabasa, at hindi kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng litrato na pinagigitnaan niya ang dalawa.

Kung gayon, as a rule, punto de bista ng mambabasa ang dapat masunod, kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng mambabasa.

O kaya, isinulat niya iyon ng ganito: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (in my right) and Teodoro A. Agoncillo (in my left)."

Maraming salamat, Ginoong historian Ambeth Ocampo. Nais kong kompletuhin ang Looking Back series mo. Bukod sa Looking Back 10, meron na akong Looking Back 8, Virgins of Balintawak; Looking Back 9, Demonyo Tables; at Looking Back 11, Independence X6.

Lunes, Disyembre 25, 2023

Pag ayaw, huwag. Wala siya sa mood.

PAG AYAW, HUWAG. WALA SIYA SA MOOD.

Dalawang pusa'y aking pinanood
kung saan pusang puti'y nakatanghod
sa isa pang pusa't siya'y sumugod
upang katalikin itong may lugod
tangi kong sabi nang sila'y magbukod:
"Pag ayaw, huwag. Wala siya sa mood."

- gregoriovbituinjr.
12.25.2023

* ang bidyo ng dalawang pusa ay makikita sa kawing na: https://fb.watch/paxd8FlAtp/

Bata sa Gaza, hanap ni Santa

BATA SA GAZA, HANAP NI SANTA

walang Pasko sa Gaza
dumating man si Santa
mga bata'y wala na

ibibigay ni Santa'y
regalo sa kanila
ngunit nasaan sila?

mga bata'y patay na?
natamaan ng bala?
nabagsakan ng bomba?

inosente'y biktima
mga bata'y wala na
napaluha si Santa

- gregoriovbituinjr.
12.25.2023

* litrato mula sa fb page na Tribung Tagalog na nasa kawing na:  https://www.facebook.com/photo/?fbid=1397063814529032&set=a.101671560734937

Miyerkules, Disyembre 20, 2023

Salamat, kasama

SALAMAT, KASAMA

salamat, kasama, sa magandang mensahe
sapagkat pinasaya ako ngayong gabi
sadyang tulad nating tibak ay nagsisilbi
sa uri't bayan upang bansa'y mapabuti

magpatuloy lang tayo sa pakikibaka
laban sa pang-aapi't pagsasamantala
bilang tibak na Spartan ay makiisa
ng buong puso't giting sa laban ng masa

magbasa-basa, magpakahusay, magsanay
patuloy na gampanan ang adhika't pakay
kumilos at magpakilos, tayo ay tulay
upang laban ng obrero'y ipagtagumpay

salamat, kasama, sa buhay at layunin
sapagkat adhika'y sinasabuhay natin
na bulok na sistema'y tuluyang baguhin
at tayo'y sama-samang kumikilos pa rin

- gregoriovbituinjr.
12.19.2023

Lunes, Disyembre 18, 2023

Ang pakay

ANG PAKAY

pagod ang dama sa bawat hakbang
matapos ang mahabang paglinang
ng mga saknong at taludturan
na gintong uhay ang pakinabang

patuloy lang sa pakikibaka
nang kamtin ang asam na hustisya
na matagal nang hikbi ng masa
na kaytagal ding sinamantala

kaya naritong iginuguhit
ang labanang abot hanggang langit
ang tibak ay nagpapakasakit
nang ginhawa ng masa'y makamit

nawa makata'y di lang magnilay
o kathain ang sugat ng lumbay
kundi ipalaganap ang pakay:
uring manggagawa'y magtagumpay!

- gregoriovbituinjr.
12.18.2023

Linggo, Disyembre 17, 2023

Sinong dakila o bayani?

SINONG DAKILA O BAYANI?

sino nga ba ang tinuturing na bayani?
yaong dakilang taong sa bayan nagsilbi?
lagay ng bayan ba'y kanilang napabuti?
tulad nina Rizal, Bonifacio't Mabini?

O.F.W. ay bayaning di kilala
na nagsasakripisyo para sa pamilya
sa ibang bansa sa kakarampot na kita
mapakain, mapag-aral ang anak nila

bayaning manggagawa, bayani ng bayan
buhay nila'y inspirasyon sa mamamayan
na ipaglaban ang hustisyang panlipunan
nang lumaya ang bayan sa tuso't gahaman

di lang dayuhan ang kalaban nitong bansa
kundi mismong kababayan ngunit kuhila
tulad ng pulitikong nagsisilbi kunwa
ngunit sa kabang bayan ay nananagasa

mahirap man ang magpakabayani ngayon
tinuring raw na bayani'y patay na noon
gayunpaman, kunin ang aral ng kahapon
mabuting gawa nila'y gawing inspirasyon

- gregoriovbituinjr.
12.17.2023

Kawikaan sa kwaderno

KAWIKAAN SA KWADERNO

"The least I can do is speak out for those who cannot speak for themselves." 
~ kawikaan sa pabalat ng isang kwaderno

nabili ko sa Benguet ang kwadernong iyon
dahil anong ganda ng kawikaan doon
marahil tibak din ang nagsalita niyon
na may tapang kapara ng oso o leyon

ang tangi kong magagawa'y ang magsalita
para sa tinanggalan ng tinig, dalita,
maliliit, vendor, babae, manggagawa,
magsasaka, pinagsamantalahang sadya

kawikaang sinasabuhay na totoo
kaya kwadernong yao'y iniingatan ko
makabuluhang patnubay sa pagkatao, 
pangarap, hustisya, karapatan, prinsipyo

kung may gayong kwaderno pa'y aking bibilhin
upang ipangregalo sa kapwa ko man din
nang maging gabay din nila ang diwang angkin
upang api't sadlak sa putik ay hanguin

- gregoriovbituinjr.
12.17.2023

Paggising sa umaga

PAGGISING SA UMAGA

isusulat ko pa rin ang bulong ng puso
kahit na ang sinta'y naroon sa malayo
o naririto sa tabi't aking kasuyo
lalo na't pag-ibig nama'y di naglalaho

kapara ng tula paggising sa umaga
bago mag-almusal o nag-uminat muna
tula ang kinakape't pinapandesal pa
kakathai'y nasa panaginip kanina

iyon ay kung matatandaan ang naisip
na pagkamulat pa lang ay agad nahagip
may talinghaga kaya roong nasisilip
at agad tinala sa notbuk ang nalirip

nagtungo ang diwata sa dalampasigan
nakapanguha ng masarap na halaan
wala bang tambakol, tulingan o gulyasan
na masarap ihanda sa pananghalian

- gregoriovbituinjr.
12.17.2023

Sabado, Disyembre 16, 2023

Nang maglaho ang musa

NANG MAGLAHO ANG MUSA

nang magsindi ng ilaw ay agad naglaho
ang musa ng panitik na nirarahuyo
na kanina'y kaniig sa munti kong mundo

animo haraya'y inagaw ng liwanag
imahinasyong materyal man o baliwag
isang reyalidad na nakababagabag

kaulayaw ko pa ang musa ng panitik
habang sa kwaderno'y may isinasatitik
na mga salitang sa puso'y isiniksik

ibinubulong niya ang mga kataga
upang maisulat sa mga kinakatha
kong akda, sanaysay man o kwento o tula

dapithapon na kasi't magtatakipsilim
nang siya'y makaniig sa punong malilim
nang magliwanag tanda ng gabing madilim

na madalas mangyari habang nag-iisip
nagigising sa mahaba kong pagkaidlip
kailan siya babalik ay di ko lirip

o, bakit ang musa'y bigla na lang nawala
gayunman, salamat sa tiwala't salita
na sa akin ay ibinulong niyang kusa

- gregoriovbituinjr.
12.16.2023

Tula ko'y tulay

TULA KO'Y TULAY

tula'y kinakatha tuwina
madalas sa gabi't umaga
pagtula'y bisyo ko talaga
iyon ang aking kaluluwa

ang tula ko'y tulay sa tanan
kaya ako'y tulay din naman
tulay na aapak-apakan
at nagsisilbi ring dugtungan

ng magkalayong mga pulo
na kung walang balsa'y dadako
tulay din sa pagkakasundo
at sa mutyang pinipintuho

tula ko'y tulay at daanan
patungong sinta o digma man
tulay sa ating karapatan
at upang hustisya'y makamtan

tulay nang tao'y magkalapit
nang magkita ang magkapatid
mahaba man ito't maliit
mahalaga'y nakakatawid

tulay ay matulaing pook
kahit masaya man o lugmok
tula'y sa dibdib nakasuksok
na nasang iyon ay maarok

- gregoriovbituinjr.
12.16.2023

Tagilo (pyramid) at upaw (kalbo)

TAGILO (PYRAMID) AT UPAW (KALBO)

dalawang salita sa palaisipan
habang nagsasagot nito'y natagpuan
tagilo at upaw, bago o luma man
ay dapat aralin, ito'y matutunan

taal bang salita sa'ting bayan ito
tiyak na ang upaw ay lokal sa kalbo
ngunit ang pyramid, tawag ay tagilo
ito ba'y salitang sadyang inimbento?

magkagayunpaman, mabuti't nabatid
bagong kaalaman ang sa krosword hatid
na sa panulaa'y ating magagamit
sagutan ang krosword, huwag kang sisirit

mayroon daw upaw na nagpapalahaw
na nasa tagilo, at uhaw na uhaw
bakit nasa loob? anong hinihiyaw?
ha? nagpasaklolo't di na makagalaw?

- gregoriovbituinjr.
12.16.2023

* palaisipan mula sa Pilipino Star Ngayon, 12.15.2023; 1 Pababa; at 23 Pahalang
* matatagpuan din ang kahulugan ng tagilo at upaw  sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1202 at p. 1307, ayon sa pagkakasunod

Biyernes, Disyembre 15, 2023

Ang bantay

ANG BANTAY

di ka basta makaparada
pagkat anong higpit ng bantay
kahit pa ika'y bumusina
o sa daan pa'y maglupasay

pag nagpilit baka mangalmot
pag sasakyan mo'y hinambalang
ramdam mong nakakapanlambot
pag ganyang bantay ay kaytapang

kanino ba siyang alaga
baka gutom na sa maghapon
bigyan kaya ng pritong isda
nang siya'y maging mahinahon

ganoon nga ang ginawa ko
at nai-park ang motorsiklo

- gregoriovbituinjr.
12.15.2023

Kapoy

KAPOY

kailangan ko'y pampasigla
at di pampatay lang ng oras
upang matupad ang adhika
upang pagkilos ay magilas

kailangan ko'y pampagana
di iyang krosword o sudoku
upang maalpasan ang dusa
at pagkalugmok ng gaya ko

dapat kong balikan ang bakit
ng prinsipyong yakap kong tunay
ang pakikibaka'y di saglit
kundi adhikang habambuhay

kaya heto, nagpapatuloy
pa rin akong kapara'y langgam
kahit pa dama'y kinakapoy
upang kamtin ang inaasam

- gregoriovbituinjr.
12.15.2023

Kaybigat o kaygaan?

KAYBIGAT O KAYGAAN?

magwalis-walis agad
pag maagang nagmulat
kaypangit kung bumungad
ay naglipanang kalat

isa itong tungkulin
na gawin ng taimtim
agiw man ay tanggalin
upang di maging lagim

kung lugar ay magulo
kaybigat sa loob mo
mag-iinit ang ulo
di makapagtrabaho

kung iyong malinisan
ang bahay at bakuran
opisina't daanan
madarama'y kaygaan

- gregoriovbituinjr.
12.15.2023

Notbuk

NOTBUK

dala ko lagi ang aking notbuk
na tipunan ng anghang at bukbok
na salitang minsa'y di maarok
mga paksang aking sinusubok

balang araw ito'y bubuklatin
upang natalang paksa'y namnamin
may salitang dapat pang hasain
nang maging armas ng diwang angkin

nagsusungit man ang kalangitan
patuloy akong mananambitan
upang mahanap ang katugunan
sa sigwa't suliranin ng bayan

isusulat kita, minumutya
sa aking kwaderno, puso't diwa
ang pluma ko'y laging nakahanda
umibig man o dugo'y bumaha

- gregoriovbituinjr.
12.15.2023

Huwebes, Disyembre 14, 2023

Likis - pagsukat ng sirkumperensya

LIKIS - PAGSUKAT NG SIRKUMPERENSYA

naintriga ako sa tanong sa palaisipan
"pagsukat ng sirkumperensya", anong katugunan
di nagsirit, sinagot muna'y pababa't pahalang
hanggang lokal na salitang LIKIS ang natagpuan

LIKIS ang tawag sa pagsukat ng sirkumperensya
sirkumperensya nama'y LIKOS sa Waray talaga
LIKIS ang pagsukat ng LIKOS, mapapatango ka
sa palaisipan nati'y nahahasa tuwina

sa geometriya, ang LIKOS ang sukat ng bilog
pag binuksan at inunat, itinuwid ang hubog
o yaong perimetro, haba ng arko ng bilog
LIKIS at LIKOS, nalito ba't salita'y kaytayog?

LIKIS at LIKOS ay likas pala nating salita
salamat at natagpuan din ang ganyang kataga
na magagamit sa sipnayan, liknayan, pagtula
lalo na sa pagtataguyod ng sariling wika

- gregoriovbituinjr.
12.14.2023

* mula sa Krosword Puzzle Aklat 2, Tanong 8 Pababa, pahina 56
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 698
* sipnayan - math; liknayan - physics

Salamat sa aklat

SALAMAT SA AKLAT

taospuso akong nagpapasalamat
sa bigay sa aking anong gandang aklat
ng bunying makatang kayhusay sumulat
ng bugtong na tulang nakapagmumulat

aming dinaluha'y isang pagtitipon
ng mga makata nang iabot iyon
sa pamagat pa lang ay mapapalingon:
"Ang Tula Ko'y Bugtong, Ano'ng Iyong Tugon"

ilang taon na ring di kami nagkita
sa bahay ni Raul Funilas ang una
kamakatang Jason Chancoco'y kasama
na pawang makatang magaling talaga

ikalawa nama'y doon sa tulaan
nag-alay ng tula sa kapanganakan
ng bunying Supremo nitong Katipunan
piyesa'y binigkas sa harap ng tanan

bagamat sa pesbuk magkitang madalas
pagkat panulaan kapwa'y nilalandas
sadyang sa personal, tuwa'y mababakas
pagbati, makatang Danilo C. Diaz

- gregoriovbituinjr.
12.14.2023

* ang nasabing aklat ay ibinigay sa inyong lingkod ng makatang Danilo C. Diaz sa aktibidad na "Supremo: Konsiyerto ng Tula at Awit, Parangal sa ika-160 Kaarawan ni Gat Andres Bonifacio", UP Hotel, UPD, 11.27.2023

Miyerkules, Disyembre 13, 2023

Sama-samang pagkilos

SAMA-SAMANG PAGKILOS

pag-uwing bahay galing sa rali
animo'y di pa rin mapakali
rali nama'y di kawili-wili
gutom lang lalo't walang pambili

subalit rali ay mahalaga
upang maipaabot sa masa
at gobyerno ang isyu talaga
may rali dahil nakikibaka

kaytaas ng presyo ng bilihin
tulad ng gulay, bigas, pagkain
pangangailangang pangunahin
na araw-gabi nating gastusin

karapatan nating manuligsa
kung pinuno'y kuyakoy lang sadya
barat ang sahod ng manggagawa
walang disenteng bahay ang dukha

tuloy ang sama-samang pagkilos
kung may inapi't binubusabos
labanang ito'y dapat matapos
kaya maghanda sa pagtutuos

- gregoriovbituinjr.
12.13.2023

Martes, Disyembre 12, 2023

Binendahan

BINENDAHAN

patay na kuko'y aking ginupit
pagkat bumuka't baka sumabit
ako na'y tinulungan ni misis
at daliri sa paa'y nilinis

nilagyan ng agwa oksenada
daliri ko'y bumula talaga
ang daliri kasi'y kaydumi na
nilagay pa'y betadayn at gasa

buti't tinulungan ng maybahay
pagkat naritong di mapalagay
anong sanhi ng kukong namatay?
sa balat ay kusang humiwalay

ang bilin ni misis ay tandaan
paa't daliri'y dapat ingatan
huwag hahayaang masugatan...
kundi'y baka lumala pa iyan

- gregoriovbituinjr.
12.12.2023

Pusa na naman

PUSA NA NAMAN

"Be kind to animals."

ah, isang pusang gala na naman
ang humilig sa aking kandungan
aba'y bakit ako nilapitan
siya'y akin na lang hinayaan

may natira pa akong pagkain
at naisip kong aming hatiin
hasang, ulo't tinik, kanya lang din
habang laman ng isda sa akin

o, di ba't ito'y hating kapatid
upang gutom namin ay mapatid
may kasabihan ngang aking batid:
"Be kind to animals" yaong hatid

nadama kong siya'y tuwang-tuwa
bagamat siya'y di ko alaga
nangapitbahay lang siyang sadya
at sa akin na'y nangayupapa

- gregoriovbituinjr.
12.12.2023

Patay na kuko'y ginupit

PATAY NA KUKO'Y GINUPIT

itong patay kong kuko
ay agad kong ginupit
buka na kasi ito
subalit di masakit

ito'y tubuan kaya
ng panibagong kuko?
sadyang nakabibigla
kung mawala na ito

kung iyan ang mangyari
ay tatanggapin na lang
wala nang masasabi
kundi paa'y ingatan

kuko lang ang namatay
daliri'y nariyan pa
mabuti't nabubuhay
at nakasisipa pa

- gregoriovbituinjr.
12.12.2023

Lunes, Disyembre 11, 2023

Pagtula

PAGTULA

minsan nga'y natunganga
sa langit o kisame
animo'y natulala
sa bughaw, pula't berde

bawat tula ay tulay
sa mga di maarok
sa paksang naninilay
ay magmanhik-manaog

nakakunot ang noo
maya-maya'y ngingiti
niloloob ba'y suso
nilalabas ba'y binti

kayraming sasabihin
sa karampot na papel
tahimik kung isipin
ngunit napakatabil

ang makata ba'y ganyan
sa tula nakalukob
wala nang masulingan
kundi loob at kutob

- gregoriovbituinjr.
12.11.2023

Linggo, Disyembre 10, 2023

Pagninilay

PAGNINILAY

patuloy pa rin ang pagninilay
sa harap ng damang dusa't lumbay
sa mga problema ba'y bibigay?
o tatayo't lulutasing tunay?

habang tangan yaong tasang kape
na bigay ng katoto't kumpare
nasa diwa'y paanong diskarte
nang krosword ay masagutan dine

malaki kayang palaisipan?
paanong mundo'y maalagaan?
kayraming basura sa lansangan
plastik pa'y sa laot naglutangan

ah, anong sarap pa rin ng Hi-ro
na uso noong kabataan ko
ang pakiramdam ko'y isang hero
pag nakakatikim ng ganito

heto't napapatingala muli
sa langit taglay ang minimithi
ako ba'y saan dapat maglagi
upang katarunga'y ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
12.10.2023

Salakatâ

SALAKATÂ

kaysarap kasama ng salakatâ
sa kanila'y magagalak kang sadyâ
tila suliranin mo'y mawawalâ
masayahin sila't nakakatuwâ

di naman payaso ang iyong hanap
kundi katotong kasama sa hirap
at ginhawa, masayahing kausap
subalit salakatâ ay kay-ilap

marami kasing tuso't manloloko
ngingiti ngunit budol pala ito
misyong tangayin ang laksang pera mo
ah, di salakatâ ang ganyang tao

tila ba mundo mo'y biglang sasaya
kapag salakata'y naririyan na
tila ba siya'y malakas na pwersa
na naghahatid ng tuwa tuwina

di naman laging salapi ang hanap
kundi saya sa kabila ng hirap
katoto, di haragang mapagpanggap
nagpapasigla sa danas na saklap

- gregoriovbituinjr.
12.10.2023

* 16 Pababa - masayahing tao; sagot ay salakatâ; Krosword Puzzle, Aklat 1
* salakatâ (pang-uri) - palaging masaya at nakangiti; mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1083

Patay na kuko

PATAY NA KUKO

lubos ka bang makikiramay
sa aking mga kukong patay
walang sakit akong nadama
tanong ko'y ganyan ba talaga?

nitong nakaraan, natanggal
ng kusa ang isa kong ngipin
walang kirot, di naman bungal
di ko batid bakit ganyan din

nang ang paa ko'y nagkapaltos
wala ring hapding naramdaman
sa mahabang lakad naubos
itong lakas ko't ng katawan

bakit ba tila manhid ako
na dapat dama ko ang sakit
paltos, ngipin, patay na kuko
dama ko lang ay hinanakit

- gregoriovbituinjr.
12.10.2023

Sa minumutya

SA MINUMUTYA

paano ko ba sasabihing mahal kita
kung katapatan ko'y tila di mo makita
nagsisinungaling ba yaring mga mata
o sa sarili mismo ako'y nagdududa

sinta, ikaw ang aking pinakaiibig
ikaw lang ang diwatang nais makaniig
ako ma'y tibak na nakipagkapitbisig
sa mga api nang hibik nila'y narinig

ako ma'y makatang sa tula dinaraan
ang bawat luha't hirap na nararamdaman
ako ma'y mandirigmang handa sa labanan
at karapatang pantao'y pinaglalaban

salamat, sinta, tunay kitang minumutya
bagamat ako'y madalas na walang-wala
dumaan man ang mga ligalig at sigwa
tangi kang nag-iisa sa puso ko't diwa

- gregoriovbituinjr.
12.10.2023

Sabado, Disyembre 9, 2023

Tambay sa lababo

TAMBAY SA LABABO

tambay na naman sa lababo si alaga
animo siya'y mandirigmang laging handa
pahingahan niya'y takbuhan din ng daga
minsan bubuwit ay sinagpang niyang bigla

kaysarap haplusin ng kanyang balahibo
at pagmasdan ang tahimik niyang pagtakbo
sasalubong agad pag dumarating ako
may ibinubulong na tila ba ganito:

"May isda ka bang dala?" ang tanong sa akin
kung tao siya'y batid na ang sasabihin
kaya lagi akong may tira pag kumain
isda'y kakainin niya't ayaw ng kanin

dalawang taon na siya't nakapagsilang
ng mga kuting na bagong aalagaan
salamat naman, Muning, ikaw ay nariyan
na laging nasa tabi, isang kaibigan

- gregoriovbituinjr.
12.09.2023

Madaling araw

MADALING ARAW

di pa nagmamadali ang araw
sa pagsikat habang naninilay
ng makatang may biglang lilitaw
na mutyang bantog sa gandang taglay

tila siya naalimpungatan
habang ang mga mata'y malamlam
alalahani'y di matanganan
pagluha'y kailan mapaparam

karakaraka siyang bumangon
upang kaharapin ang paghilom
ng mga sugat niyang naipon
habang bibig at kamao'y tikom

nais niyang pumiglas, magwala
habang damdamin ay hinihiwa
ng balaraw ng laksang gunita
umaasa pa ring makalaya

- gregoriovbituinjr.
12.09.2023

Biyernes, Disyembre 8, 2023

Words can also be a sword

"A pen is mightier than the sword." - ito'y palasak na kasabihan sa Ingles.
"Words are mightier than the sword." "Words can also be a sword." - ang sabi ko naman nang makita sa app na Word Connect na pareho lang ang mga letrang bumubuo sa words at sword.

WORDS CAN ALSO BE A SWORD

may kasabihan nga: "A pen is mightier than the sword."
ang naisip ko agad: "Words are mightier than the sword."
mula sa app na Word Connect ay aking natalisod
na pareho lang ang letra sa salitang words at sword

"Words can also be a sword," dito'y masasabi ko rin
dahil nakasusugat din ang salitang matalim;
pag nagtungayaw ka't nanira ng kapwa, malagim
kaya may salitang pag humiwa'y kaysakit man din

may salitang tagapagbungkal ng katotohanan
na maaaring armas laban sa katiwalian
may salita ring nananawagan ng katarungan
na talagang patama sa mapang-api't gahaman

madalas na mabisa ang ating pananalita
nakasusugat o nakahihilom yaring dila;
sa pag-uusap, dapat batid ang tamang kataga
salita'y sandata rin upang kamtin ang adhika

salamat sa Word Connect na madalas nilalaro
upang mga salita sa isang iglap mabuo;
"Words can also be a sword," ito'y aking napagtanto
kaya ingatan ang salitang ang kapara'y punglo

- gregoriovbituinjr.
12.08.2023

Miyerkules, Disyembre 6, 2023

Hindi ka mawawaglit

HINDI KA MAWAWAGLIT

hindi ka mawawala
sa aking mga tula
pagkat ikaw ang mutya
sa bawat kong adhika

sa mundong pinangarap
na ginhawa'y malasap
makaraos sa hirap
hustisya'y lumaganap

hindi ka mawawaglit
sa aking puso't isip
diwata kang marikit
sa aking panaginip

mundo'y kakathain ko
na magkasama tayo
kaytamis na totoo
nang ako'y tinanggap mo

- gregoriovbituinjr.
12.06.2023

Pagsinta

PAGSINTA

anong kahihinatnan ng ating pag-ibig
kung tuwing gabi ay di kita makaniig
napapakinggan lang ang malamyos mong tinig
ngunit di mayapos ng aking mga bisig

tinig mo'y pawang oyayi sa aking taynga
para bang hinehele ng mahal kong ina
ang tinig mong kapara ng Ibong Adarna
pag natulog ako'y parang bato talaga

o baka naman ako ang may suliranin
tumatanda na kasi't lagi nang antukin
katawang nanlalata ang madalas angkin
madaling araw na lang kung kita'y yakapin

paghiwa ng dayap ay di na kailangan
upang ipatak sa bisig na sinugatan
pagkat sa oras na tulog ang sambayanan
saka kita niyayapos at hinahagkan

- gregoriovbituinjr.
12.06.2023

Lunes, Disyembre 4, 2023

Gulag

GULAG

limang titik sa app ng Word Connect ay GULAG
pitong titik, LUGGAGE, inuna kong sagutin
di iyon tsamba, batid ko ano ang GULAG
kulungan iyon sa panahon ni Stalin

kung sa Nazi Germany, may concentration camp
na nagdulot ng kamatayan sa marami
kay Stalin, GULAG ang tawag sa labor camp
kulungan at kamatayang di mo masabi

kayraming mga inosente ang biktima
sa usaping pulitikal at emosyonal
kayraming ikinulong na nakikibaka
na namatay na lamang nang di makatagal

minsan, mabuting magbasa ng kasaysayan
nang sa palaisipan ay may maisagot
anong nangyari sa laksa-laksang digmaan
gunita ng gulag ay nakakakilabot

- gregoriovbituinjr.
12.04.2023

Kabaliwan nga ba?

KABALIWAN NGA BA?

babasahin ko ba'y kalokohan
buhay ng mangmang, katatawanan
marahil, marahil ay dapat lang
lalo't klasiko na kung turingan

awtor na Akutagawa't Fontaine
pati sina Catullus at Montaigne
librong "The Life of a Stupid Man"
librong "The World is Full of Foolish Men"

galit na'y umiibig pang sadya
bakit natatawa't lumuluha
tayo ng sabay, nakamamangha
inakda ng awtor na dakila

bakit yao'y kanilang nasabi
basahin, magsuri at magmuni
sa Fully Booked mura kong nabili
eighty lang noon, naging one-twenty

dapithapon hanggang takipsilim
hatinggabi hanggang umagahin
sa sarili'y natatawa man din
kabaliwan bang ito'y basahin?

- gregoriovbituinjr.
12.04.2023

Alaga

ALAGA

muli kaming nagtagpo ng alaga
mula sa mahaba kong pagkawala
ngayon ay malaki na silang pusa
ako'y nakilala pa nilang sadya

nagsilapitan nang makita ako
gutom at ngumingiyaw silang todo
hinaplos-haplos ko sila sa ulo
at sa maganda nilang balahibo

naisip kong ibigay ang natira
ko sa pinritong isda sa kanila
tulad noon, kami'y hati talaga
buntot, tinik, laman, ulo't iba pa

nakita ko rin ang iba pang kuting
sa labas, may ibang nagpapakain
labing-isa noon ang alagain
may ibang buhay na't kaylaki na rin

- gregoriovbituinjr.
12.04.2023