Martes, Enero 31, 2023

Pagkilos

PAGKILOS

ako'y makatang laban sa pribadong pag-aari
ng kagamitan sa produksyon ng mapang-aglahi
sa sistemang kapitalismo't masasamang budhi
kumilos upang madurog ang naghaharing uri

pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan
at sanhi rin ng pagsasamantala't kaapihan
dapat nang tanggalin iyan sa kamay ng iilan
nang maging pag-aari iyan ng buong lipunan

pagkakapantay sa lipunan ang panawagan ko
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
adhika'y pakikipagkapwa't pagpapakatao
at ilagay sa tuktok ang dukha't uring obrero

sinasabuhay ko ang prinsipyong iyan at mithi
ayokong maging kaisa ng mapang-aping uri
pag ako'y nagkaroon ng pribadong pag-aari
lagyan ako ng tingga sa ulo, kung maaari

di iyan pakiusap, iyan ay katalagahan
dahil lumaban sa mapagsamantala't gahaman
iyan ako, ako'y iyan, para sa uri't bayan
taasnoo akong kikilos hanggang kamatayan

- gregoriovbituinjr.
01.31.2023

Sa paglalakad

SA PAGLALAKAD

samutsari ang nakikita sa paligid
karetelang hila't babaeng tumatawid
ang nagliliparang ibon sa himpapawid
mensaherong may mga sobreng ihahatid

kagagaling ko lang noon sa isang rali
nang sa paglalakad ay may napagmumuni
nasa isip ang bayan imbes na sarili
kaya patuloy ang pagkilos araw-gabi

may isang metrong inilaan sa bangketa
upang ang tao'y may malakaran talaga
may sangmetro ring inilaan sa kalsada
para naman sa mga nagbibisikleta

nakapinta sa pader ay kaygandang mural
at sa pinanggalingan ko'y kayraming aral
pakikibakang masidhi't ano't kaytagal
dapat tanikala'y lagutin na ng punyal

kayraming paksa sa aking harap at likod
mga nagalugad ay may lungkot at lugod
may unat at baluktot, tuwid at pilantod
na nais kong ipinta sa mga taludtod

- gregoriovbituinjr.
01.31.2023

Lunes, Enero 30, 2023

Salamat, nakabigkas din ng tula

SALAMAT, NAKABIGKAS DIN NG TULA

mabuti't sa solidarity night ng manggagawa
ay nabigyang pagkakataong bumigkas ng tula
sa pagitan ng pulutan at alak nakakatha
wala mang binabasa'y agad akong nakatula

marahil dahil kabisado ko ang mga isyu
ng mga kauri kaya isip ay di nablangko
di ko man naisulat ang nasa diwa't loob ko
ay may tugma't sukat pa ring bumigkas nang totoo

kaysaya ng buong gabi't punong-puno ng awit
nakabigkas lang ng tula nang makata'y mangulit
nagkakatagayan na kasi kaya nakahirit
at nasabi rin ang sa kapitalismo'y parunggit

masaya nang nakatula sa kanilang harapan
kaya pinagbuti ang pagbigkas nang may tugmaan
sa pumalakpak, nais ko kayong pasalamatan
makata'y di binalewala't inyong pinakinggan

- gregoriovbituinjr.
01.30.2023

* ang makatang gala ay nakatula sa solidarity night ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Baguio City, 01.28.2023

Ang masasabi

ANG MASASABI

mananatiling tutula
kahit laging walang-wala
sa langit nakatingala
sa kisame'y tutunganga

gawain mang walang sahod
kaya buhay ay hilahod
yaring pluma'y hinahagod
marahil hanggang sa puntod

patuloy na inaalam
ang lipunang inaasam
magsamantala'y maparam
bagamat may agam-agam

patuloy sa adhikain
at sa atang na tungkulin
tutupdin bawat layunin
lalo't dakilang mithiin

iyan lang ang masasabi
upang tuluyang iwaksi
yaong sistemang salbahe
at talagang walang silbi

- gregoriovbituinjr.
01.30.2023

Niloloob

 
NILOLOOB

“There is no greater agony than bearing an untold story inside you.” 
~ Maya Angelou, I Know Why The Caged Bird Sings

animo'y nagsisukob
dini sa niloloob
bawat isyung marubdob
sa kung saan nalublob

ibon ay umiiyak
doon sa hawlang pilak
ramdam ay napahamak
laya'y asam na payak

nababahaw ang tinig
tila may nakabikig
ayusin na ang katig
kung maglayag ang ibig

patuloy ang pagsuyo
bagamat walang luho
pagkat sinta'y kasundo
kapanalig, kapuso

patuloy man ang digma
sa gahama't kuhila
lagutin nating sadya
ang gintong tanikala

- gregoriovbituinjr.
01.30.2023

Linggo, Enero 29, 2023

Di pansarili lang

DI PANSARILI LANG

minsan lang tayo mabuhay tapos
isip lang ay pansarili, kapos
dapat ay isang lipunang lubos
ang matayo nang walang hikahos

di pamilya lang, di bukas mo lang
di sa pansariling pakinabang
di rin para sa trapo't iilan
kundi para sa bukas ng bayan

wala tayong ipagmamalaki
kung nabuhay lang na pansarili;
sa ating uri, tayo'y magsilbi
at sa higit na nakararami

buong lipunan ang babaguhin
sistemang bulok ay palitan din
lipunang makatao'y likhain
para sa kinabukasan natin

- gregoriovbituinjr.
01.29.2023

* kinatha sa ikalawang araw ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Baguio City, Enero 28-29, 2023

Diwang hatid

DIWANG HATID

nakagagalit ang awit at talumpati
lalo't tinatalakay ay isyu ng uri
patuloy na yumayaman ang naghahari
bulok na sistema'y sadyang kamuhi-muhi

makinig sa kanila'y nakapanginginig
dama mong napakainit kahit malamig
ibang-iba ang hagod ng kanilang tinig
talagang sa mga buktot na'y nang-uusig

pasasalamat sa pahatid ninyong diwa
talagang dama ito naming mga dukha
dapat nang itayo ng uring manggagawa
ang lipunang makataong tunay na pita

aming napakinggan ay isinasapuso
kahit sa mahabang paglalakbay ay hapo
tuloy pa rin ang pakikibaka't pagsuyo
kamtin ang pangarap na di dapat maglaho

- gregoriovbituinjr.
01.29.2023

* kinatha sa ikalawang araw ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Baguio City, Enero 28-29, 2023

Sabado, Enero 28, 2023

Kauri

KAURI

isa akong manggagawa noon, inyong kauri
na tagagawa ng floppy disc, Hapon ang may-ari
sa kumpanyang PECCO ang pinag-ugatan ng binhi
sa pagkamanggagawa'y doon nagmula ang mithi

ngala'y Precision Engineered Components Corporation
sa Alabang, at machine operator ako roon
unang trabaho, talubata pa lang ako noong
taon nang isinabatas ang kontraktwalisasyon

tatlong taon doon, nag-resign, umalis, nag-aral
sa kolehiyo ay naging aktibistang marangal
kalahati ng buhay sa aktibismo nagtagal
tatlong dekada nang ang kauri'y itinatanghal

niyakap ko ang prinsipyo ng pagpapakatao
ang Kartilya ng Katipunan ay sinusunod ko
niyakap ang makauri't sosyalistang prinsipyo
nang lipunang makatao'y itayo ng obrero

sulong, kauri, kamanggagawa, tuloy ang laban
bakahin ang mga mapagsamantala't gahaman
upang kamtin ng bayan ang hustisyang panlipunan
at itayo ang asam na makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
01.28.2023

* isinulat sa unang araw ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Lungsod ng Baguio, Enero 28-29, 2023

Huwebes, Enero 26, 2023

Pagpapakatao

PAGPAPAKATAO

pawiin natin ang sistemang di makatao
pagkat iyan ang dahilan ng maraming gulo
hindi na ba iiral ang pagpapakatao?
aanhin ba natin ang kayamanan sa mundo?

manghihiram lang ba lagi tayo ng respeto
sa kayamanan kaya nang-aangkin ng todo?
wala na bang puwang ang pagiging makatao
kaya nais lagi'y may pag-aaring pribado?

dinadaan lagi sa digmaa't kayamanan
ang mga usapin, tingnan mo ang kasaysayan
na dulot, imbes kaunlaran, ay kamatayan
imbes magpakatao'y nakikipagdigmaan

di na makuntento sa kung ano ang mayroon
aanhin mo ang yaman? para maghari ngayon?
para lamang tawagin kang isang panginoon?
at mamamatay ka lang pagdating ng panahon!

- gregoriovbituinjr 
01.26.2023

Huwag ninyong hanapin sa akin ang hindi ako

HUWAG NINYONG HANAPIN SA AKIN ANG HINDI AKO

huwag ninyong hanapin sa akin ang hindi ako
at ako'y hubugin sa kung anong kagustuhan n'yo
hinahanap ninyo sa aki'y ibang pagkatao
ang matagumpay na negosyante o asendero

nagpapatakbo ng kumpanyang limpak kung kumubra
na tingin sa obrero'y hanggang kontraktwal lang sila
masipag na kalabaw ang tingin sa magsasaka
na bigay ninyong sahod ay mumo lang, barya-barya

na ang trato sa mga maralita ay alipin
na ang tingin sa mga dukha'y pawang palamunin
di kaya nitong budhi ang inyong mga pagtingin
ang hindi ako'y huwag ninyong hanapin sa akin

tanggap kong isa lang akong hamak na mamamayan
ngunit prinsipyado't may taglay na paninindigan
nahanap ko na ang aking lugar sa ating bayan
landas kong pinili sa harap man ni Kamatayan

kumikilos akong tibak ng uring manggagawa
at isang mandirigma ng hukbong mapagpalaya
ito ako, iyan ako, sana'y inyong unawa
di n'yo mababago ang pagkatao ko't adhika

- gregoriovbituinjr.
01.25.2023

Miyerkules, Enero 25, 2023

Ang hanap

ANG HANAP

hinahanap ko kung saan ba may silbi sa bayan
sa kapwa dukha, uring manggagawa, mamamayan
ngunit di hanap ang pansariling kaligayahan
na kakain lang, tutulog lang, pulos pahinga lang

pagkat di ako tamad, anong sipag kong totoo
isang araw isang tula ay masaya na ako
tumangan ng bandera o plakard sa parlyamento
ng lansangan o magsulat ng pahayag sa isyu

di ko maisip bakit ang mata'y pinapupungay
kung saan matapos ang gawain ay laging tagay
mas nais ko pang sa aklatan o bukstor tumambay
bakasakaling may matututunang maging gabay

ah, napakapayak lamang ng aking hinahanap
na lipunang makatao'y maitayo nang ganap
mapuno man iyon ng mga sakripisyo't hirap
masaya nang makapagsilbing walang pagpapanggap

- gregoriovbituinjr.
01.25.2023

Martes, Enero 24, 2023

Dalawang aklat

DALAWANG AKLAT

dalawang aklat itong pambihira
hinggil sa isang lider-manggagawa
na naitago ko pala sa takba
nakita ang akala'y nawawala

oo, noon nga siya'y naabutan
ako pa'y nasa grupong Kamalayan
at napuntang Sanlakas at Bukluran
at sa mga pagkilos sa lansangan

sulatin niya'y pag-ukulang pansin
upang ilapat sa panahon natin
o marahil ito pa'y paunlarin
nang muling maipalaganap man din

basahin muli yaong counter-thesis
at namnamin ang anghang nito't tamis
nang manggagawa'y magkabigkis-bigkis
nang maralita'y di na nagtitiis

- gregoriovbituinjr.
01.24.2023

* Ang una'y nabili ko noong Agosto 11, 2006 sa pambansang opisina ng Partido ng Manggagawa (PM), 300 pahina.

* Ang ikalawa'y aking sinaliksik, tinipon at isinaaklat noong 2009, at muling nilathala noong 2017, 112 pahina. Inilunsad sa UP Bahay ng Alumni noong Pebrero 6, 2009, sa ikawalong anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy.

Alaga

ALAGA

nakatulog na ang aming alaga
na dalawang kuting at inang pusa
matapos nilang manghuli ng daga
at nabusog sa twalya'y nagsihiga

nakatitig lang akong di mainip
sa kanilang anong sarap ng idlip
ano kayang kanilang panaginip
o kaya'y ang mga nasasaisip

matutulog na rin ako't antok na
sa panaginip kaya'y magkikita
silang tanging bigay ko'y mga tira
aba'y babalitaan na lang kita

- gregoriovbituinjr.
01.24.2023

Lunes, Enero 23, 2023

Pahinga

PAHINGA

minsan, di ko maisip ang gagawin
baka diwa muna'y pagpahingahin
animo'y maysakit at suliranin
at di magawa-gawa ang balakin

madalas kinakapoy ang katawan
baka loob ay pinanghihinaan
magpahinga lang ba ang kasagutan
o may inspirasyong dapat tanganan

pati mga salita'y di mahagod
nasungaba pati pananaludtod
pantig at saknong ay napipilantod
nanghihina ang tuhod at gulugod

may kung anong nakadagan sa dibdib
sa mga laman may naninibasib
magpahinga muna kaya sa liblib
o magkampo kaya sa isang yungib

- gregoriovbituinjr.
01.23.2023

Linggo, Enero 22, 2023

Basurahan sa dyip

BASURAHAN SA DYIP

Zero Waste Month ngayong Enero
uy, may buwan palang ganito
nakakatuwa pagsakay ko
ng dyip sa madla'y may abiso

"Throw your trash here" ang nakasulat
uy, itapon mo raw ang kalat
sa basurahan doong sukat
abisong unawa ng lahat

ay, salamat sa mga tsuper
sa kalinisan, kayo'y eager
tungkulin din pala ng drayber
na kalikasa'y di ma-murder

- gregoriovbituinjr.
01.22.2023

Sabado, Enero 21, 2023

Paalala

PAALALA

huwag kang lalampas sa guhit
baka mahuli ka't magipit
nagpatintero noong paslit
aral ba nito'y nakaukit?

ang limang daang pisong multa
aba'y anong sakit sa bulsa
anong laro mo nang bata pa
sa patintero'y natuto ba?

kaysarap na laro ng paslit
tatayain mo silang pilit
aba'y huwag ka nang makulit
mahuli'y huwag magagalit

- gregoriovbituinjr.
01.21.2023

Biyernes, Enero 20, 2023

Pinangarap ko 'to

PINANGARAP KO 'TO

ang pinangarap ko'y di materyal na bagay
tulad ng kotseng ipagyayabang na tunay
kundi kalagaya't sistemang pantay-pantay
kaya nakikibaka'y iyan yaring pakay

ang pinangarap ko'y di pawang mga seksi
sa akin ay sapat na ang isang babae
na laging kasama, kasangga, kabiyahe
sa mundong itong sa hirap at dusa'y saksi

ang pinangarap ko'y di mag-ari ng yaman
upang kilalanin at maghari-harian
maikli lang ang buhay kaya bakit iyan
sayang lang ang buhay kung pulos kasiyahan

ang pinangarap ko'y ginhawa ng marami
na walang nagsasamantalang tuso't imbi
ang nais ko'y nagsisilbi sa uring api
sa pakikibakang ito'y di magsisisi

ang pinangarap ko'y ang esensya ng buhay
na kahulugan nito'y nadama mong tunay
na may nagawa ka pala kahit mamatay
para sa iyong kapwa sa saya ma't lumbay

- gregoriovbituinjr.
01.20.2023

Huwebes, Enero 19, 2023

Libo-libong hakbang man

LIBO-LIBONG HAKBANG MAN

kailangan ko bang lakarin ang sanlibong hakbang
upang umani ng kaing ng manggang manibalang
upang marating ang bundok at tagtuyot na parang
upang di maligaw sa pasikot-sikot na ilang

kahit libo-libong hakbang pa'y aking lalakarin
limampunglibo, sandaang libo, sang-angaw man din
kung tungong tagumpay ng nakasalang na usapin
kung iyan ang paraan upang kamtin ang mithiin

upang malutas lang ang mga sigalot at sigwa
lalakarin milyong hakbang man na may paniwala
mananaig tayo sa kabila ng dusa't luha
ang daan man patungo roon ay kasumpa-sumpa

- gregoriovbituinjr.
01.19.2023

Nalirip

NALIRIP

minsan, kailangan kong gawin ang nasasaisip
isulat kara-karaka ang anumang nalirip
bagamat may mga salitang di basta mahagip

pag dadalo ng pulong, sakyan ang mabilis na dyip
o kaya'y magbisikleta kung daan ay masikip
bago pa umulan, pasakan ang butas sa atip

kung magbagyo mang kaylakas ng hangin kung umihip
yaong mga nasalanta'y tulungan at masagip

maraming tungkulin sa bayan, huwag lang mainip
masa'y organisahing may prinsipyong halukipkip
lalo't manggagawa'y kasanggang walang kahulilip

ah, ano pang gagawin bago tuluyang umidlip
may natakpang isyu bang dapat tanggalan ng takip
kung meron, sabihan ako't ang mensahe'y ilakip

- gregoriovbituinjr.
01.19.2023    

Kalikasan

KALIKASAN

lubhang matarik ang mga bangin
na dulot ng bawat kong panimdim
na ninais ko pa ring akyatin
huwag lamang abutin ng dilim

anong sarap damhin ng amihan
sa nilalakaran kong putikan
ngunit kalbo na ang kabundukan
wala nang hayop sa kagubatan

winawasak na ng pagmimina
ang katutubong lupain nila
kalikasa'y di na makahinga
sa kaytitinding usok sa planta

mga basura'y lulutang-lutang
sa matinding klima'y nadadarang
natutuyot na ang mga parang
nakatiwangwang ang lupang tigang

O, Kalikasan, anong ganda mo
ngunit sinisira ka ng tao
pinagtutubuan kang totoo
at kung gumanti ka'y todo-todo

Ikaw, Kalikasan, pag nagngitngit
ay ramdam namin ang pagngangalit
ulan ay kaytinding ilang saglit
lulubugin kaming anong lupit

- gregoriovbituinjr.
01.19.2023

Miyerkules, Enero 18, 2023

Dalawang larangan

DALAWANG LARANGAN

kayraming gawain sa kilusan at panitikan
tungkulin sa dalawang pinagkakaabalahan
na sa iwing buhay ko'y mga piniling larangan
na talagang niyakap at tutupdin ng lubusan

mga larangang wala mang matanggap na salapi
ay masayang nagsisilbi sa bayan at sa uri
hanap kong esensya ng buhay, naritong masidhi
para sa daigdigan, tutupdin ang minimithi

inaalay ang mga tula sa pakikibaka
upang lipunang makatao'y itayo ng masa
kwento't sanaysay ay pinagbubutihang talaga
upang kamtin ang asam na panlipunang hustisya

ninais kong magkaroon ng sariling El Fili
nobela ng buhay ng higit na nakararami
kung saan sa dulo, manggagawang di mapakali
ang dudurog sa sistemang bulok at pang-aapi

kanilang itatayo ang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
na ang pribadong pag-aari't anumang perwisyo
ay tuluyan nang kakalusin ng uring obrero

bata pa'y pinaglimian hanggang aking magagap
pinag-aralan ang lipunan, ngayo'y nagsisikap
upang abutin ng uri't ng bayan ang pangarap
na sosyalismo't panlipunang hustisya nang ganap

- gregoriovbituinjr.
01.18.2023

Kwento

KWENTO

maihahanay sa pandaigdig
ang manunulat nating magaling
tunghayan ang pintig nila't tinig
at talaga namang nagniningning

basa-basahin ang kwentong lokal
na may danas na sa atin taal
kwentong banyaga'y may mabubungkal
ibang ideya, kultura't asal

may mga kwentong katatakutan,
kababalaghan, katatawanan,
alamat, o sikolohikal man,
tunay na buhay, at panlipunan

tila nilibot natin ang mundo
sa samutsaring danas at kwento
animo'y kalakbay nila tayo
sa bawat punto at kuro-kuro

inilalarawan ang kultura
ng ibang lahi't matantong sila
pala'y tao ring ating kagaya
nagkakaiba lang ng sistema

batirin ang danas ng may-akda
sa mga kwento nilang kinatha
anong pangarap nila't adhika
bakit inakda'y kahanga-hanga

- gregoriovbituinjr.
01.18.2023

Martes, Enero 17, 2023

Ang larawan

ANG LARAWAN

animo'y painting ang larawan
nang makunan sa dapithapon
anong ganda ng paraluman
sa iwing puso'y naglimayon

para bang sadyang iginuhit
ng isang mapagpalang kamay
ang litratong kaakit-akit
sa mata kong tigib ng lumbay

- gregoriovbituinjr.
01.17.2023

Paghahanap

PAGHAHANAP

nakatunganga lang sa kawalan
may dinadalumat na anuman
animo'y lawin sa kalawakan
kapag lumilipad ang isipan

may madadagit bang bagong paksa
tila baga laging nanghuhula
at naroroong nakatulala
hinihintay humupa ang sigwa

madalas ganyan ang pakiramdam
tila may usaping di maparam
kung bakit laging may pagkabalam
siya lamang ang nakakaalam

bakit ba mundo'y puno ng ganid?
baluktot pa ba'y maitutuwid?
bakit maging sa pagsulat umid?
ano bang dapat nating mabatid?

kayraming katanungan sa mundo
kung di masagot, nasisiphayo;
nang susing salita'y di mahango
ay unti-unti siyang naglaho

- gregoriovbituinjr.
01.17.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Rizal Park sa Maynila, 12.30.2022

Inspirasyon

INSPIRASYON

may ilang makatang inidolo
na may sari-sarili nang aklat
binabasa ang kanilang libro
baka sa katha'y may madalumat

silang tinitingala sa ulap
lalo't kaytitinding manaludtod
na sa puso't diwa'y yumayakap
upang tula'y di pila-pilantod

William Shakespeare na makatang Ingles,
si Robert Frost na Amerikano,
ang makatang Persyanong si Hafez,
ang sa digmaa'y saksing totoo

yaong dalawang nobelang tula:
kay Batute'y "Sa Dakong Silangan"
pati "Ang Mga Anak-Dalita"
na kay Patricio Mariano naman

kung matatanaw man ang anino
ng mga makatang inspirasyon
ay dahil binasa silang todo
masundan ang yapak nila'y layon

- gregoriovbituinjr.
01.17.2023

* mga aklat sa litrato'y ilan lang sa nasa aklatan ng makatang gala

Lunes, Enero 16, 2023

Tarang magtanim ng sibuyas

 

TARANG MAGTANIM NG SIBUYAS

buti pa'y magtanim ng sibuyas
kaysa bumili na lamang nito
baka ito na ang tamang landas
nang di hirap sa taas ng presyo

animo ang bulsa na'y nabutas
nandaya ba ang mangangalakal?
sibuyas na'y ginawang alahas
ang dating mura'y ano't nagmahal?

talagang nais ko nang magmura
ang sibuyas na nagpresyong ginto
paano malutas ang problema
upang di naman tayo manlumo

ah, mabuti pang tayo'y magtanim
ng sibuyas, di man magsasaka
upang malutas na ang panimdim
at baka ito na'y mapamura

- gregoriovbituinjr.
01.16.2023

Mag-iinang pusa

MAG-IINANG PUSA

masdan mo ang mag-iinang pusa
sarap na sarap sa tirang isda
na sa kanila'y biyayang sadya
mula sa isang mapagkalinga

hayop man sila'y parang tao rin
na naghahanap ng makakain
madalas pang sa iyo'y titingin
kung may pagkain para sa kuting

pusang galang tambay sa bakuran
mag-iinang walang hiwalayan
kumakain sila'y pinagmasdan
sa ganoong tagpo'y binidyuhan

- gregoriovbituinjr.
01.16.2023

* mapapanood ang bidyo sa:

Linggo, Enero 15, 2023

Minsan

MINSAN

minsan, nang magbakay ng sasakyan
ay aking nakatagpo si pinsan
doon kami'y nagkakumustahan
hanggang magyaya siyang inuman

dahil kayrami pang lalakarin
ay tumanggi sa yaya sa akin
sa susunod na lang, sabi ko rin
at akong bahala sa inumin

dumating ang dyip, siya'y sumakay
habang ang ruta ko'y hinihintay
patuloy lang akong nagbabakay
nang may binibining nakasabay

kaysarap ng aking pakiramdam
tila nawala ang dinaramdam
para bang problema ko'y naparam
animo nais kong magparamdam

mabuti't dumating na rin ang dyip
nang makatapat siya't mahagip
ng mata kong nais nang umidlip
ah, siya'y isa lang panaginip

- gregoriovbituinjr.
01.15.2023

Nais ko nang umuwi

NAIS KO NANG UMUWI

nais ko nang umuwi sa bayan kong tinubuan
na kaytagal na panahon ding di ko nagigisnan
upang madalaw ang mga kapatid ko't magulang
kumustahin sila't kina ina'y magbigay-galang

kaytagal kong asam ang muli naming pagkikita
lalo ang pagpapalitang-kuro namin ni ama
kapwa retiradong empleyado sila ni ina
habang ako'y isang mapagpalayang aktibista

nahasa ako noon sa mga sermon ni inay
at sa pangaral ni itay na aking naging gabay
bilin nilang kung anong gusto ko'y magpakahusay
dahil ako ang pipili nitong ikabubuhay

pinili kong magpakahusay bilang manunulat
maging makata't sa maraming isyu'y nag-uulat
maging aktibistang sa mga api'y nagmumulat
nang lipunang makatao'y itayo nilang sukat

nais kong umuwi, tulad ni Rizal sa Calamba
tulad ni Bonifacio, na pinaslang ng kuhila
nais kong umuwing kasama'y manggagawa't dukha
nais ko nang umuwi sa kamay na mapagpala

- gregoriovbituinjr.
01.15.2023

Pagmumuni

  

PAGMUMUNI

di ko hintay na magnaknak ang sugat ng salita
habang iniinda ang sariling galos at iwa
di ko hintay magdugo muna ang noo ko't diwa
upang mapiga't kumatas ang asam na kataga

di tahimik gayong ang hanap ko'y katahimikan
sa kapaligirang punong-puno ng sigalutan
di payapa gayong ang hanap ko'y kapayapaan
ng puso't diwang umaasam ng kaginhawahan

ninanais kong madalumat ang ibig sabihin
ng karanasan sa mga madawag na landasin
ng karahasan sa mundong ginagalawan natin
ng karaingan ng maraming naghihirap pa rin

anong kawastuhan sa gawang pagsasamantala?
upang bumundat pang lalo ang tiyan nila't bulsa
ang mga api ba'y may aasahang santo't bida?
gayong may magagawa kung sila'y magsama-sama

nadarama rin ba natin ang sugat ng daigdig?
dahil tila ba ito'y halos mawalan ng pintig?
sapat ba ang salita sa tula upang mang-usig?
o mga api'y magsikilos na't magkapitbisig?

- gregoriovbituinjr.
01.15.2023

Sabado, Enero 14, 2023

Nakakaluha

NAKAKALUHA

nakakaluha na ang presyo ng sibuyas
lalo't pag hiniwa mo sa mata'y kakatas
ito'y mahal pa sa sampung kilo ng bigas
o kaya'y dalawampung lata ng sardinas

mahal nitong presyo'y paano malulutas?
paanong sa ganito, masa'y maliligtas?
anong sistema na ang ating binabagtas?
kung solusyon dito'y di pa natin mawatas

sa bulsa't tiyan ng kuhila mababakas
ang pagbundat dahil sa mahal na sibuyas
sadyang maluluha ka pag iyong namalas
masa'y wala nang maaliwalas na bukas

wala bang solusyon ang mga santo't pantas?
talaga bang ganyang sistema na ang batas?
kailan ba kapitalismo'y magwawakas?
upang magmura naman ang tindang sibuyas

- gregoriovbituinjr.
01.14.2023

* litrato mula sa Editoryal ng Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2022, p.3
* litrato mula sa Kolum ni Sen. Risa Hontiveros sa pahayagang Abante, Enero 14, 2023, p. 6

Si Muning

SI MUNING

tila siya di mapakali
at animo'y may sinasabi
ano raw gawa ko kagabi
habang may dilag na katabi

at ibinalik ko ang tanong
kumusta ang bigay kong labong
tila siya'y bubulong-bulong
buti pa ang isda at tutong

sa gayong punto ng usapan
ay agad nagkaunawaan
ibigay ko ang kahilingan
siya'y hahaplusin ko naman

kayganda ng mga pangarap
na bawat isa'y nililingap
patuloy lang tayong mag-usap
at nang magkatulungang ganap

- gregoriovbituinjr.
01.14.2023

Biyernes, Enero 13, 2023

Sa ika-149 anibersaryo ng TFDP

SA IKA-49 ANIBERSARYO NG TFDP

Task Force Detainees of the Philippines, mabuhay kayo!
sa pang-apatnapu't siyam ninyong anibersaryo
taospuso kaming nagpasasalamat sa inyo
kayong sa bilanggong pulitikal nag-asikaso

ang inyong mga ginagawa'y trabahong marangal
lalo sa mga bilanggong sa loob na'y kaytagal
di man sila kaanu-ano, kayo'y nagpapagal
katuwang sa paglaya ng bilanggong pulitikal

habang kami'y nasa loob, kayo'y nakasubaybay
na hanggang sa paglaya, kami'y tinulungang tunay
kaya sa inyong lahat, taasnoong pagpupugay
mga lumayang PPs ay may panibagong buhay

nawa'y magsilago ang itinanim ninyong binhi
upang ating kapwa'y di maapi at maduhagi
adhikain ninyo sa puso nawa'y mamalagi
at muli, sa inyong anibersaryo'y bumabati

- gregoriovbituinjr.
01.13.2023

Huwebes, Enero 12, 2023

Tara, mag-zero waste na

TARA, MAG-ZERO WASTE NA

zero waste month pala ang Enero
na nagpapaalalang totoo
lumalala ang lagay ng mundo
dahil sa kagagawan ng tao

tapon ng tapon dito at doon
kung saan-saan lang nagtatapon
anong dapat nating maging tugon
kung sa basura'y di makaahon

masdan ang daigdig at magnilay
magsuri tayo't magbulay-bulay
at ang maaksayang pamumuhay
ay dapat na ngang baguhing tunay

huwag hayaang pulos basura,
upos at plastik ay maglipana
mundo'y bahay mo't tahanan nila
kaya huwag hayaang dumhan pa

ecobag, di plastic bag, ang gamit
linisin palagi ang paligid
upang tayo'y di magkakasakit
zero waste ay dapat nating batid

simulan nating gawing panata
zero waste lifestyle ay isadiwa
gawin natin kahit tayo'y dukha
para sa bukas ng mundo't madla

- gregoriovbituinjr.
01.12.2023

Miyerkules, Enero 11, 2023

Huwag sayangin ang panahon

HUWAG SAYANGIN ANG PANAHON

kahit sa pagbibigay ng anumang edukasyon
sa mga kapwa dukha o manggagawa man iyon
kung isa lang o lima ang nagbigay ng panahon
tuloy ang pag-uusap at di natin ipo-pospon

nagbigay sila ng panahon at ikaw din naman
subalit di umabot sa sampung inaasahan
aba'y sayang ang panahon kung ipagpapaliban
kapwa nagbigay ng panahon, ituloy na iyan

iyan ang kaibahan pag may dapat pagpapasya
na quorum ay inaasahan kaya dadalo ka
"Huwag sayangin ang panahon," sabi sa Kartilya
ng Katipunan, isang aral na sadyang kayganda

bilin ng ating mga ninuno'y ating aralin
upang sa anumang labana'y di basta gapiin
ang Kartilya ng Katipunan ay pakanamnamin
pagkat ito'y pamanang Katipunero sa atin

- gregoriovbituinjr.
01.11.2023

* "Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan nay di na muli pang magdadaan." ~ mula sa Kartilya ng Katipunan

Kung ako'y uuwi

KUNG AKO'Y UUWI

nais kong umuwing di talunan
mula sa mahabang sagupaan
nais kong umuwing di luhaan
at di namatayan sa bakbakan

kaya pagsikapan ang gagawin
batay sa prinsipyo't adhikain
ang estratehiya'y unawain
at mga taktika'y pagbutihin

nais kong umuwing di sugatan
na sa pagbaka'y walang iwanan
kung uuwi'y napagtagumpayan
yaong mga ipinaglalaban

mandirigma man kami'y may puso
nakadarama rin ng siphayo
may pangarap ding ayaw gumuho
may pagsinta ring ayaw maglaho

- gregoriovbituinjr.
01.11.2023

Martes, Enero 10, 2023

Ang maging masaya


ANG MAGING MASAYA

nagtatrabaho ako kung saan ako masaya
at kung di na ako masaya, ako'y aalis na
tulad sa yakap kong prinsipyo bilang aktibista
na may dahilan palang mabuhay at makibaka

anong sarap mabuhay nang may ipinaglalaban
kaysa naman magpakalunod sa kasaganaan
ang esenya ng buhay ay di pangsarili lamang
magpakabundat habang iba'y nasasagasaan

ipapakita ko pa ba kung ako'y nalulungkot
o mukha'y maaliwalas kahit pulos sigalot
aktibistang Spartan ay di basta babaluktot
kundi matatag sa harap man ng mga balakyot

maging masayang tao ka kaysa masayang ka, pre!
binabalewala ka man o isinasantabi
kahit mahirap lang ay patuloy na nagsisilbi
sa dukha't manggagawa, ito'y buhay na may silbi

- gregoriovbituinjr.
01.10.2023

Ang bata

ANG BATA

minsan, kasama ko'y munting bata
na nasa aking puso't gunita
na sa pagkakatayo'y napatda
sa haging ng awtong nagwawala

buti't naging listo sa pagtawid
sa kalsada't ang mensaheng hatid
ay pag-ingatan mo ang kapatid
o anak upang di mangabulid

sa gayong paglatag ng kadimlan
malamlam ang tanglaw sa tawiran
ako lang ang kanyang sinusundan
habang kamay niya'y di ko tangan

marahil ako ang batang iyon
na sa putik nais makaahon
baka isa pang batang may misyon
upang sa dusa masa'y iahon

dapat masagip ang batang munti
upang di bagabagin ang budhi
nais ko lang tuparin ang mithi
na sa loob ko'y nananatili

- gregoriovbituinjr.
01.10.2023

Sa barberya

SA BARBERYA

magpagupit ka, sabi ni misis
pagkat siya'y di na makatiis
sa aking baduy na porma't bihis
di bagay sa katawang manipis

baka may lihim na nang-uuyam
subalit sinong nakakaalam
ngunit iba yaring pakiramdam
porma'y kaykisig sa gunam-gunam

gayunman, magpapagupit ako
lalo na't iyon ang kanyang gusto
alam mo, lahat ay gagawin ko
mapasaya lang siyang totoo

sa umpisang buhok ko'y gupitin
ang kwentong barbero na'y diringgin
pelikula't pulitika man din
kanilang komento'y iisipin

kwentong barbero'y ano't kaysaya
habang inaahit ang patilya
para ka nang nakinig ng drama
o ng balita, nakakagana

- gregoriovbituinjr.
01.10.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Bagong Kalsada sa Laguna

Pagbabasa

PAGBABASA

paano ba natin tutugunin
ang di matingkalang suliranin
paano ba tayo gugutumin
ng mga tanong na sapin-sapin

kung saan-saan naghahagilap
ng katugunang nais mahanap
ah, magbasa't baka may kumislap
na ideya sa isa mang iglap

(di mo man sala ang sala nila
palaging ikaw ang nakikita
katusuhan nila'y gumagana
huwag papayag maalipusta)

tanong ay di laging nilulumot
pagkat ito'y tiyak na may sagot
na sa kawalan biglang susulpot
na dapat ay agad mong masambot

kaya pagbasa'y bigyang panahon
baka may sagot na suson-suson
kislap ng diwa kung malululon
ay baka diyan na makaahon

- gregoriovbituinjr.
01.10.2023

Lunes, Enero 9, 2023

Pasakit

PASAKIT

di na madalumat ang pasakit
naitatanong na lang ay bakit
habang nadarama yaong lupit
lumalabas sa bibig ay impit

bakit ganyan ang nararanasan
wala nang puwang ang kaalwanan
tila may balaraw sa likuran
kaya ano nang kahihinatnan

payapa sila'y biglang nilusob
at lupain nila'y kinubakob
nagkamali ba sila ng kutob
binira'y loob at niloloob

may pag-asa pa bang makalaya
sa pangil at kuko ng kuhila
saloobin nila'y lumuluha
ah, wala na nga bang magagawa

- gregoriovbituinjr.
01.09.2023

Linggo, Enero 8, 2023

Pakiusap

PAKIUSAP

nais kong tugunan ang bawat nilang pakiusap
tutugon nang tunay nang hindi mukhang nagpapanggap
baka raw sa kanila'y may maitulong nang ganap
anong puno't dulo? baka sa diwa'y may kumisap

nag-aakala ba silang ako'y may magagawa?
o ako lang kasi ang nariyang animo'y handa?
gayunman, gagawin ko basta makakayang sadya
pagkat tibak akong di marunong magbalewala

o baka dahil makata'y maraming naiisip
na nalalagay sa katha ang mga nalilirip
tingin nila'y baka may katugunang nasisilip
sa pinapakiusap nila't isyung halukipkip

paki naman, pre, baka kaya mong gawin, paki lang
patulong naman, baka magawa mo ito, pinsan
pre, tropa, kosa, utol, kasama, katoto, igan
mga nakikiusap, kahit tulong ko'y munti man

sabi nga, pagpapakatao'y di dapat maglaho
at pakikipagkapwa ang pagtugon sa siphayo
salamat sa tiwala, kung napipisil ng puso
sa pagtugon sa pakiusap sana'y di mabigo

- gregoriovbituinjr.
01.08.2023

Paggising sa umaga

PAGGISING SA UMAGA

babangon sa umagang kaylamig
mahamog kaya nangangaligkig
iinatin yaring mga bisig
hihilamusan ang mukha't bibig

bibiling pandesal sa tindahan
at sa bahay titimplahin naman
ang kapeng barakong malinamnam
nang sikmura'y agad mainitan

matapos magkape, maliligo
maghahanda saan patutungo
gagawin ang mga pinangako
nang sa kalauna'y di manlumo

patuloy pa ring nagsusumikap
tungo sa mga pinapangarap

- gregoriovbituinjr.
01.08.2023

Sabado, Enero 7, 2023

Samakatuwid


SAMAKATUWID

"Therefore" is a word the poet must not know. (Ang "samakatuwid" ay isang salitang di dapat mabatid ng makata.) ~ André Gide

makata'y di raw dapat batid
ang salitang "samakatuwid"
tutula mang sala-salabid
ang salita'y di nauumid

mga paksa'y mailarawan
may talinghaga't kainaman
di man agad maunawaan
ay mula sa puso't isipan

anong dahilan, bakit kaya
nabigkas iyon ng makata
nasabi ba niyang may tuwa
o habang siya'y lumuluha

samakatuwid nga ba'y ano
kaparehas ng "dahil dito"
"alipala", at "bunga nito"
"alalaong baga", at "ergo"

tula ba'y may pilosopiya
o ekspresyon lang ng pandama
sa tula'y magpatuloy kita
sa ating mga sapantaha

- gregoriovbituinjr.
01.07.2023

* Si André Gide, (Nobyembre 22, 1869 - Pebrero 19, 1951, Paris), manunulat na Pranses, at ginawaran ng Nobel Prize for Literature noong 1947 .

Hustisya?


HUSTISYA?

ulat na ganito'y karaniwan na lamang
ngunit di dapat ito'y maging karaniwan
dapat bang "hustisya'y para lang sa mayaman"?
hindi, sapagkat ito'y di makatarungan!

pag mayaman, nakakaligtas sa hustisya
pag mahirap, sa piitan mabubulok na
sa bansa, hustisya ba'y ganyan ang sistema?
para kang bago ng bago, ganyan talaga?!

ngunit di iyan dapat maging ordinaryo
di dapat tanggapin ng karaniwang tao
pag mayaman ang may kasalanan, abswelto
pag mahirap, taon-taon sa kalaboso

pag ang ganyang sistema'y atin nang tinanggap
sa hustisya ba'y aasa pa ang mahirap?
ang ganitong sistema'y sadyang mapagpanggap
na sa mayayaman lang sadyang lumilingap

kaya may dahilan tayong nakikibaka
upang baguhin na ang bulok na sistema
na lipunang patas ay itayo talaga
na umiiral ang panlipunang hustisya!

- gregoriovbituinjr.
01.07.2023

Kape


KAPE

maginaw na umaga'y
salubunging kayganda
at agad magtitimpla
nitong kape sa tasa

pagkakape na'y ritwal
bago pa mag-almusal
nang sa gawa'y tumagal
at di babagal-bagal

kailangang bumangon
kikilos pang maghapon
tarang magkape ngayon
bago gawin ang layon

- gregoriovbituinjr.
01.07.2023

Biyernes, Enero 6, 2023

Tuloy ang laban


TULOY ANG LABAN

wala mang malay yaring isipan
ay dama anong dapat ilaban:
itong angkin nating karapatan
na taal sa bawat mamamayan

maging sa larangan ng panitik
ay hinihiyaw ang bawat hibik
ng mamamayang di man umimik
ay dapat ilabang walang tumpik

salamat sa mga aktibista
kabayanihan ang gawa nila
mapawi ang pagsasamantala
tungong lipunang para sa masa

sa kabuluka'y di mapakali
sa nagbubulag-bulaga't bingi
sa pagsasamantalang kaytindi
tuloy ang laban hangga't may api

ito na ang prinsipyong niyakap
upang wakasan ang paghihirap
ng uri't bayang ang pinangarap
na lipunang patas ay maganap

- gregoriovbituinjr.
01.06.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa MET, sa pagdiriwang ng unang National Poetry Day, at ika-128 kaarawan ng makatang Jose Corazon De Hesus, aka Huseng Batute, 11.22.2022